Naging
isang malaking kasangkapan ang kolonyalismo ng mga Kastila sa paghubog ng
kultura ng mga tao sa Naic. Bagamat nagpakita ng pagkondena ang mga mamamayan
dito laban sa imperyalismo, hindi naging sapat ito upang tuluyang mapalaya sila
sa sistemang nagkukulong sa kanila. Tulad ng isang kumunoy, sa kanilang patuloy
na pagpupumiglas, lalo lang nalulubog ang mga tao sa sistemang kanilang pilit
nilalabanan.
https://xiaochua.files.wordpress.com/2012/11/img_7449.jpg
Dahil sa impluwensiya ng mga Kastila,
naging madali upang hawakan sa leeg ang mga taga-Naic. Ang katotohanan ay ni
hindi na nga kailangan ng mga dayuhang ito na maglagak pa ng mga kawal upang
masiguradong gagawin ng mga taga-Naic ang nais nilang mangyari. Hindi na nga
kailangan pang sabihin ng mga dayuhan ang nais nilang mangyari dahil kuhang
kuha ng mga mamamayan ang mithiin ng mga dayuhan. Halimbawa nito ay ang
matinding debosyon ng Naic sa kanilang patron, kawalan ng gaanong partisipasyon
ang mga kababaihan dito at ang pagmomonopolyo sa kapangyarihan ng iilang
mamamayan ng Naic. Ang mga sistemang nabanggit ang malakas na katunayan na
tuluyan na napagtagumpayan na nga ng mga Kastila ang mga taga-Naic noon pa
lamang.
http://blogbenetton.dunebuggysrl.netdna-cdn.com/philippines/files/2012/04/Visita-Iglesia_03_Liliw-Church-in-Laguna.jpg
Ipagpalumagay na ang Katolisismo ay
tulad lamang ng ibang relihiyon sa mundo tulad ng Budhismo, Shintohismo, o
Hinduismo, na walang gaanong importansya sa nakararaming Pilipino. (Nililinaw
ng may-akda na hindi niya intensyong maliitin sa anumang paraan ang mga
paniniwala ng mga tao, ang mga opinyong ito ay para lamang sa mithiing pang
kritiko sa mga bunga ng mga paniniwalang ito.) Halimbawa, sabihin nating ang
mga Kastila ay nagdala ng Budhismo bilang isang lihim na paraan upang
ipasailalim tayo sa isang kulturang magkukulong sa atin, tatanggapin ba natin
ito? Malamang na hindi, kaya tulad ng “regalo” ng isang kaaway, babalutan muna
nila ito upang magmukhang kanaisnais para sa tatanggap. Mahirap mang sabihin
sapagkat marami pa rin ang mga Katoliko sa ating bansa, naging isang malakas na
sandata pa rin ng mga Kastila ang pananampalataya ng mga Pilipino. Tinuruan
tayong tumahimik at sumunod na lamang. Huwag magtanong at tanggapin ang
kaunting huwad na awa na ibinibigay sa atin ng nakakataas na mga tao. Ito ang
mga sistemang kaakibat ng relihiyon na hanggang ngayon ay umaalipin sa atin.
Wala man ang mga Kastila, dinala pa rin natin ang bulok na sistemang ito, hindi
lamang ng mga taga-Naic kundi ng marami pang Pilipino.
https://naiccavite.files.wordpress.com/2014/12/427038_263303543780903_2081581580_n.jpg
May maayos na sistema ng edukasyon sa
Naic. Maayos ang sistema ng pamamalakad ng kanilang mga paaralan at mga
kaguruan dahil sa regular na pagpapadala ng mga guro sa bayan at pagtataya sa
kanilang paraan ng pagtuturo sa kanilang mga estudyante. Ngunit sapat ba ito
para sabihing utang ng mga Pilipino, kabilang ng mga taga-Naic, sa mga dayuhan
ang pagiging edukado natin? Hindi ako sang-ayon. Hindi dungo ang mga Pilipino
upang hindi magkaroon ng sariling sistema ng edukasyon. Nagkataon lamang na
nauna ang mga dayuhan, ngunit hindi ito nangangahulugan na kung wala sila ay
wala rin tayong maayos na sistema ng edukasyon. Maari pa ngang maging
instrumento ang edukasyon upang indoktrinahan ang mga mag-aaral sa sistemang
mapang-alipin ng mga dayuhan.
http://www.bayaniart.com/wp-content/uploads/2015/06/Katipunan_Jose_Rizal_1.jpg
Sa kabila ng masasamang epekto ng
sinasabi ni Gat Jose Rizal na “kanser ng lipunan” kung saan nahawahan din ang
bayan ng Naic, nagkaroon pa rin ng paraan ang langit upang magising sa
katotohanan ng ilang taga-Naic. Isa na sa mga unang nagising ang mga guro kung
kaya’t malaki ang pagpupugay ko sa mga ito. Kahit iilan lamang sila, napakahalaga
ng kanilang ginapanan sa Himagsikan. Ang mga gurong taga-Naic na buong lakas na
nagtuturo sa mga kabataan at pilit na nagtataguyod sa kanilang pamilya na
umanib sa Himagsikan para ipaglaban ang mas nakatataas na layunin ay tunay na
kahanga-hanga. Ilan pa nga bang guro ngayon ang katulad nila? Ilan pa nga bang
guro ang kayang manindigan para sa mga kadahilanang pinangangatuwiranan niya
kahit pilit siyang ibinababa ng sistema?
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEg9gCdRpfUyOVxH11vVmN9FsjzRMA67JUeHOhYQH_PQ6Kvzh1gEePAZXBlYmHkW4iGonvyhuFLFlAeFGFUUclhcieIc2l36w7Qlloxu3p-HaSGB0x9feCyztcEXDszTmc3m2o22TLrsig/s1600/doug_fire_water_main.jpg
Kahit ang mga dayuhan ay maihahalintulad
sa isang malaking alon sa dagat na gustong lunurin ang pag-asa ng mga taga-Naic
tungo sa kasarinlan, hindi pa nito napigilan ang nagngangalit nang apoy na nananalaytay
sa mga Pilipinong nais ng kalayaan, katarungan, at pagbabago. Maaaring ang “apoy” na ito ang nakita ni
Andres Bonifacio kaya nailagay sa Naic ang tanggapan ng pamahalaang
rebolusyonaryo. Sa kasamaang palad, hindi naiwasan ang kabi-kabilang pagsalakay
ng mga puwersang Kastila sa Naic. Nagtagumpay man sila dahil sa pagsama sa
himagsikan, nasakop naman silang muli ng mga Kastila ngunit hindi na kasing
tagal ng dati. Patunay na hindi na basta malalansi ang mga taga-Naic ng mga
hambog na dayuhan. Kaya na nilang manindigan at lumaban para sila ay lumaya.
http://www.retrato.com.ph/retratoimages/Midsize/SS/SS00397b.jpg
Nang dumating ang mga Amerikano, idiniin
nila na mas mahalin ng mga Pilipino ang kultura ng Amerika sa tulong ng mga
gurong ipinadala ng Amerika. Naging progresibo ang pamahalaang lokal sa panahong
ito at naging aktibo naman ang mga naging partisipasyon ng mga taga-Naic sa
pamamahala ng mga Amerikano. Marahil para sa iba, maganda ang dulot ng mga
Amerikano sa Pilipinas at sa Naic, ngunit para sa akin, walang kaibahan ito sa
regalo ng mga Kastila, mas maganda lang ang pagkakabalot nito. Nilunod tayo ng
Amerikano sa mga huwad na biyaya at masayang lumubog ang marami dito. Kaya nga
naman may mga taga-Naic, at sa pangkalahatan, mga Pilipino, na rin ang lumaban
sa panig ng mga Amerikano laban sa mga Hapones (bagamat hindi pa rin lubusang
masisisi ang mga gerilyang ito sapagkat maaaring biktima lang din sila ng
pagkakataon).
https://thefilipinoservant.files.wordpress.com/2012/08/tatag-ng-wikang-filipino-lakas-ng-pagka-pilipino.jpg
Hindi malayo ang kasaysayan ng Naic sa
kasaysayan ng Pilipinas. Hindi lamang
aral ng nakalipas ang makukuha natin sa mayamang kasaysayan ng Naic, kundi
inpirasyon—inspirasyon na kahit sa anong kalagayan natin sa buhay, may magagawa
tayo tungo sa pagbabago. Mula dito, mararamdaman natin na napakalapit ng mga
pangyayari sa ating kapaligiran (hal. paaralan, bahay, pinagtatrabahuhan) sa
mga pangyayari sa ating bansa kung kaya’t mahalaga ang aktibong pakikiisa ng mga
tao sa pagtatama ng mga mali sa ating lipunan. Wala itong pinipiling panahon,
ang kawastuhan ang laging dapat mangibabaw. Makikita rin natin sa kasaysayan na
kahit minorya lamang ang mga nagtanggal ng piring ng kolonyalismo upang lumaban
sa mga dayuhan, may naidulot pa ring itong pagbabago—pagbabago na lalong
nagpatapang sa mga taong lumalaban sa “kanser ng lipunan”, paggising sa mga
taong gumon pa sa ideyalismo ng dayuhan at ng kapitalismo, at pagbibigay ng takot
para sa mga dayuhang nagnanais na abusuhin ang ating Inang Bayan. Natutuhan na
nating walang ibang nasyon ang makakapagpalaya sa atin sa mga problemang ating
kinakaharap. Hindi ang Espanya, hindi ang mga Amerikano, hindi ang mga Briton,
at lalong hindi ang mga Hapones ang makakapagpalaya sa atin. Ito ay nasa mga
kamay ng mga tinawag ni Gat Jose Rizal na “pag-asa ng bayan”—tayong mga
kabataang nagnanais na mapaunlad ang ating mga sarili at ang ating bayan. Hindi
pa man natin magawa sa ngayon ang pagbabago, naniniwala akong ang pagiging
mulat natin sa mga pangyayari sa ating paligid at ang pagiging gising natin sa
bawat maling at mapang-aping sistema ay isa nang malaki nang hakbang tungo sa
dito. Darating din ang panahon na tayo naman ang huhubog sa hinaharap kung
kaya’t mainam na atin itong paghandaang mabuti sa pamamagitan ng pagiging
mayaman sa kaaalaman, pagiging mayabong ng magandang kaugalian, at paggamit
nito sa pang-araw-araw na pamumuhay.
http://geronimobdelosreyesjr.com/news/wp-content/uploads/2013/11/1.15.14.jpg
Sa bawat gurong lumaban sa Himagsikan, sa bawat Katipunerong
nanindigan sa kalayaan ng mga Pilipino, sa bawat miyembro ng gerilya na walang
takot na ipinaglaban ang kanilang mga karapatan, at sa bawat Pilipino na
nagnais at nagnanais ng pagbabago at nagsisikap na matamo ito, taga-Naic man o
hindi, nagpupugay ako sa inyo.